208
UP students tumakbong nakahubad para sa kalayaan ng pamamahayag
By

UP students tumakbong nakahubad para sa kalayaan ng pamamahayag

Tumakbong pawang walang saplot sa buong katawan ang may halos 100 na miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) International Collegiate Service Fraternity sa isinagawang taunang “Oblation Run” sa paligid ng University of the Philippines (UP) Campus sa Diliman, Quezon City kaninang umaga (Pebrero 8).

Base sa ipinalabas na statement ng APO, ang “Oblation Run 2019” ay may temang, “Sa Aming Landas: Takbo Para sa Kalayaan ng Pamamahayag at Pansariling Determinasyon”.

Ang taunang “Oblation Run” umano ay isang maningning na halimbawa ng ating kalayaang ipahayag ang ating mga sarili.

Ayon sa APO, simula noong 1977 ay ginamit na ito ng kapatiran bilang isang daan upang maibahagi ang kanilang ipinaglalaban.

Ito anila ay patuloy na nagsisilbing paalala sa papel na ginagampanan ng unibersidad sa paghulma ng kasaysayan at alay nila sa sambayanan na pinakarurok umano ng kanilang paglilingkod.

“Ngayong taon, binubuksan namin ito sa lahat ng sektor ng lipunan, sa kagustuhang maipabatid sa lahat na tayo ay malaya, na tayo ay may boses. Ipinapaalala namin na kaakibat ng kalayaan at boses na ito ang pananagutan sa lahat ng ating mga naibabahagi,” base sa pahayag ng APO.

Kasabay nito ay nanawagan ang APO sa mamamayang Pilipino na patuloy na maging mapagmatyag at kritikal, maalam at makialam sa kalagayan ng iba’t ibang sektor ng lipunan dahil ito anila ang matatawag na bayanihan at pakikipagkapwa na kailangang isabuhay.

“Patuloy naming ibabandila ang pamamayani ng hustisyang panlipunan at ang pagkamit ng tunay na kaunlaran para sa lahat. Ang matanggal ang takot na maghayag ng nais para sa sarili at bayan — ito ang layunin namin,” pahayag pa ng mga miyembro ng APO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?