47

By

Unang casualty ni ‘Tisoy’ sa Bicol: Kelot nakuryente habang inaayos ang bubong

Patay ang isang 33-anyos na lalaki matapos makuryente umano habang nag-aayos ng bubungan ng bahay bilang paghahanda sa Bagyong Tisoy, Lunes ng tanghali sa Libmanan, Camarines Sur.

Patay na nang matagpuan sa kanal malapit sa kanilang bahay ang biktimang nakilalang si Marco Paulo Ursua, may-asawa at residente ng Centro B Barangay Loba-Loba ng nabatid na bayan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:20 ng tanghali nang matagpuan ng kapitbahay na si Nerissa Ternate ang bangkay ni Ursua sa isang kanal kaya agad itong humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Lumalabas sa imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, nag-aayos ng bubong ang biktima at habang bitbit ang isang yero ay nadikit ito sa natalupang live wire, dahilan upang makuryente ito at sa lakas ng boltahe ay tumilapon pa ang biktima mula sa bubungan ng bahay at bumagsak sa kanal.

Ang nasabing biktima ay unang casualty ni bagyong Tisoy sa Bicol region ayon sa pulisya, habang isa pang lalaki na inaalam pa ang pangalan ang nabagsakan ng puno sa Polangui, Albay kagabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?