32
ABANTE salvage muslim crime

Umano’y pusher tinaniman ng 8 bala sa katawan

Pinaniniwalaang biktima ng summary execution o salvage ang isa umanong tulak ng iligal na droga matapos na brutal itong patayin ng hindi pa kilalang mga salarin at matagpuan ang bangkay nito Lunes ng umaga sa bayan ng Carmen, Cebu.

May walong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa kalibre .45 at 9-mm na baril, nakagapos ang kamay gamit ang packing tape, at may mga bakas na pinahirapan muna bago patayin ang biktimang nakilalang si Jasper Perez, 30, na residente ng Barangay Cogon Guinsay sa Danao City, Cebu.

Base sa ulat ng Carmen Municipal Police Station (MPS), isang bangkay ang natagpuan ng isang drayber ng traysikel sa kahabaan ng Purok Chicos sa Barangay Dawis Norte pasado alas-sais ng umaga.

Sabi ng pulis, isang kilalang tulak ng iligal na droga si Perez sa kanilang lugar sa Danao City.

Lumalabas din sa imbestigasyon na malapitang pinagbabaril ang biktima matapos makuha ang mga basyong bala ng baril sa paanan ng bangkay.

Ayon naman sa mga residente, pasado ala-una ng madaling araw nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril subalit hindi naman nila ito tiningnan sa takot na madamay.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang responsable sa krimen at ano ang motibo ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?