79

By

Umano’y drug supplier todas nang mang-agaw ng baril sa pulis

Nasawi ang isang umano’y drug supplier na dumadayo sa lalawigan ng Quezon matapos mabaril ng isa sa mga pulis na kasama ng kanyang inagawan ng baril sa Candelaria, Quezon noong Linggo ng gabi.

Kinilala ng Candelaria police ang napatay na suspek na si Mike Ryan Magcawas, taga-Sto. Tomas, Batangas at nagsusuplay umano ng iligal na droga sa mga truck driver na bumibiyahe sa Batangas, Laguna, at Quezon.

Ayon kay PCol. Eduardo Mallo, hepe ng Candelaria PNP, nagsasagawa ng surveillance at casing ang kanyang mga tauhan sa diumano’y bentahan ng iligal na droga sa national highway sa Barangay Malabanban Sur.

May nakakilala sa mga awtoridad kaya agad tumalon mula sa isang nakaparadang trak ang suspek subalit nadakma ito ng pulis na si PSSgt. Samuel Merluza.

Nagawa naman nitong maagaw ang 9mm na baril ng pulis, kaya pinaputukan na ito ng mga back-up.

Sinugod pa umano sa Candelaria District Hospital ang suspek subalit dineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Nagtamo naman ng mga sugat sa dalawang kamay si Merluza.

Narekober sa suspek ang 14 sachet ng shabu at nakuha naman sa tinalunan nitong truck ang kalibre .38 na baril.

Ayon pa kay Mallo, napag-alaman na buhat sa Sto. Tomas ay nakisakay ang suspek sa mga bumibiyaheng trak papunta sa kanyang mga parokyano sa mga pahingahan ng mga truck driver.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?