45

Jan 27, 2020 @ 19:03
By

Tweet na ‘blood for blood’ ni Locsin, ikinagalit ng Kuwait

Ikinagalit ng mga taga-Kuwait ang tweet na ‘blood for blood’ ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. na nangangahulugang dapat ay buhay din ang kabayaran sa halos pitong buwang pagmamaltrato ng Kuwaiti employers sa domestic helper na si Jeanelyn Villavende.

Batay sa inilathala ng Kuwait News Agency (KUNA) nitong Linggo, isang ‘di pinangalanang opisyal mula sa foreign affairs ministry ang nagsabing ikinagalit at kinokondena ang nasabing post ni Locsin.

Nitong Biyernes sa pamamagitan ng Twitter nag-post ng komento ang kalihim ng “All I care about is blood for blood” habang hindi umano tatanggapin ng Department of Foreign Affairs ang pakikipag-ayos sa pamamagitan ng “blood money.”

“The remark contained an unacceptable transgression against jurisdictions of Kuwaiti security and judicial authorities. It runs counter to the simplest rules of international relations,” base sa report ng KUNA.

Inilarawan pa umano ng official source na ang nasabing statement ni Locsin ay hindi karaniwan o katanggap-tanggap sa pakikitungo sa mga bansa, maging ang naging pahayag na malaki ang posibilidad na maimpluwensiyahan ang kasalukuyang imbestigasyon, dahil ang employer ni Jeanelyn ay isa umanong ranking government official sa Kuwait.

Napag-alaman din sa pamilya ng biktima na naninirahan sa Norala, South Cotabato, na una na nilang tinanggihan ang alok na P59 milyon kapalit ng pag-atras ng kaso laban sa Kuwaiti employers ni Jeanelyn.

Tiniyak naman ng gobyerno sa Kuwait na kanilang paparusahan ang sinumang kababayan nila na nagkasala sa batas at sa katunayan ay agad nilang ipinaaresto ang mga employer na nagmaltrato sa nasabing Pinay.

Nabatid na nakipagpulong na si Presidential Adviser for Migrant Workers Concerns Abdullah Mama-o kay Kuwait Deputy Foreign Affairs Minister Khaled Al-Jarallah sa Kuwait nitong January 19 at nagkasundo sa joint committee para sa implementasyon ng 2018 agreement na nagsasaad ng proteksiyon sa halos 150,000 Filipino domestic helpers mula sa pang-aabuso at pagmamaltrato ng mga employer.

Magugunitang si Villavende ay minolestiya at matagal na pinahirapan bago ito namatay sa poder ng Kuwaiti employers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?