44

By

Tuluyan para sa mga ‘batang kriminal’, naihabol sa 2019 budget

Pinadagdagan ng Senado ng P1B ang badyet ngayong taon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para magpatayo ito ng mga Bahay Pag-asa.

Sa Bahay Pag-asa sasailalim sa mga rehabilitation at reformation program ang mga batang gumawa ng krimen na tinatawag na children in conflict with the law (CICL).

Ayon sa Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) ng Senado, walang ipinabigay na badyet dito ang Malacañang ngayong taon pero inihabol ng mga senador ang P1 bilyon.

Sa isang pagdinig-publiko ng Senate Committee on Justice and Human Rights, tinukoy na P15 milyon ang kailangan para maitayo ang isang Bahay Pag-asa kaya maaring makapagpatayo ng 60 sa halagang P1bilyon.

Sa ngayon, 58 lamang ang Bahay Pag-asa sa buong bansa samantalang utos ng batas na magtayo ng kahit tig-iisa sa lahat ng 81 lalawigan at 33 highly-urbanized cities.

Sa Juvenile Justice Law (JJL), iniuutos na mag-ambag ang DSWD ng P5 milyon para sa pagtatayo ng Bahay Pag-asa habang pinaglalaan ang mga lokal na pamahalaan ng P10 milyon.

Maraming lalawigan at syudad ang hindi nakatugon dahil maari umanong kapos sa pondo o kaya ay hindi alam ang batas na dapat silang mag-ambag sa pagtatayo ng ganitong institusyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?