29
Tsino naghinala, binugbog ang kinakasamang Pinay
By

Tsino naghinala, binugbog ang kinakasamang Pinay

Sinapak, binugbog at sinakal ng isang Chinese national ang ka-live in nitong Pinay makaraang akusahan ang biktima na muling nakikipagmabutihan sa dating nobyo, kamakalawa ng madaling araw sa Las Piñas City.

Umiiyak pa at may mga pasa sa mukha at katawan nang dumulog sa tanggapan ng Las Pinas City Police ang biktima na tinago sa pangalang “Cherry,” 25 anyos at tubong Orani, Bataan upang ireklamo ang kanyang kinakasamang Chinese national na si Bainian Cao, 35, naninirahan sa Ohana Residences, Barangay Almanza Uno.

Base sa pahayag ng biktima kay Las Pinas City Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) Chief Police CMSgt. Lucia Conmigo, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magkaroon sila ng pagtatalo sa loob ng tinutuluyang condominium makaraang maghinala ang Tsino na nakikipag-usap pa ito sa dating kasintahan.

Mariing tinanggi ni Cherry ang akusasyon na humantong sa kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa pagsasapakin na siya ng sunod-sunod sa mukha at ulo ng dayuhan.

Nang tangkaing lumabas ng unit upang tumakas si Cherry dito na siya dinakma at sinakal ng dayuhan kaya halos mawalan ito ng hininga.

Sa kabila ng panghihina dulot ng pagkakasakal, hindi pa rin sumuko si Cherry, nilakasan ang kanyang loob, at tinulak nito ang kinakasama bago mabilis na nagtatakbo palabas ng unit ng condominium.

Nakahingi ito ng tulong sa mga nakatalagang sekyu, na nagpasaklolo sa opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip at pagdala ng suspek sa tanggapan ng WCPD.

Sa ngayon, nakakulong ang nasabing Tsino at sasampahan ng kasong physical injury in relation to Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and their Childrens Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?