43

By

Truck nawalan ng preno: 1 patay, 5 sugatan

Isa ang patay habang lima ang sugatan matapos araruhin ng 10-wheeler truck ang apat na sasakyan, isang gasolinahan at fast food store sa Palico Junction, Barangay Luntal, Tuy, Batangas nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa report ng Tuy Police, dead on the spot ang biktimang si Ramil Valdez, 39, nang mahagip ng nasabing truck na kargado ng mga grocery habang nakatayo sa harap ng Caltex gasoline station na unang sinagasa ng sasakyan.

Sugatan din ang nagmamaneho na si Claudigard Hilario at ang apat pang sakay ng truck na sina Benglen Gepayo, Anthony Bontog, Ronald Daria at Robert Pascua, na lahat ay isinugod sa Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu.

Batay sa imbestigasyon, galing sa direksyon ng Tagaytay ang Fuso Fighter wing van at patungo sa direksyon ng Tuy nang mawalan umano ito ng preno habang tinatahak ang pababang bahagi ng Tagaytay-Nasugbu Highway dakong alas-8:00 ng umaga.

Sumalpok muna ang sasakyan sa signage ng gasolinahan bago dumiretso sa tindahan ng Jollibee.

Nahagip din nito ang tatlong nakahintong sasakyan na isang Toyota Rav 4, isang Toyota Hi-Ace commuter van at isang Land Cruiser.

Inaresto na rin ng mga pulis ang driver at sasamapahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to properties.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?