150

Truck ban sa Navotas sisimulan sa 2020

Pinag-utos ni Mayor Toby Tiangco ang pagkakaroon ng limited truck ban sa C3, R10 at North Bay Boulevard para maibsan ang problema sa trapiko.

Sa Executive Order No. TMT-029, sinabi ni Tiangco na isasagawa ang truck ban tuwing 6 a.m. hanggang 10 a.m. at 4 p.m. hanggang 8 p.m. simula Enero 1, 2020.

“Lumalala ang traffic congestion dahil sa konstruksyon ng mga malalaking imprastruktura sa Navotas. Sa pamamagitan ng truck ban, umaasa tayong maiibsan nito ang trapiko at maghahatid ng ginhawa sa ating mga commuter,” aniya.

Ang NLEX Corporation ay kasalukuyang gumagawa ng 2.6-kilometrong C3-Caloocan to R10-Navotas section ng Harbor Link Segment 10.

Ang proyektong ito, na unang naiskedyul matapos ngayong Disyembre 2019, ay inaasahang makukumpleto sa Pebrero 2020.

Samantala, sisimulan naman ng Department of Public Works and Highways ang paggawa ng Reinforced Concrete Box Culvert (RCBC) Flood Control Project sa North Bay Boulevard mula C3 hanggang Marala Bridge.

Ang konstruksiyon, na dapat ay nasimulan ngayong taon, ay pinagpaliban sa Enero 2020 dahil sa NLEX project.

“Hindi na maaaring ipagpaliban pa ang RCBC; kailangan na itong simulan sa susunod na taon,” ani Tiangco. Dagdag niya, ang budget ng nasabing proyekto ay lilipas na sa 2020.

“Nakita rin natin kung gaano kaepektibo ang RCBC sa pagkontrol ng baha. Kaya nga mahalagang matapos na ang culvert sa North Bay Boulevard bago pa man dumating ang tag-ulan sa susunod na taon,” saad niya.

Inaasahan ng alkalde na magdudulot ng mabigat na trapiko ang sabay na implementasyon ng mga NLEX at DPWH project.

“Inaasahan natin na makakapagpabagal ito ng daloy ng trapiko. Hangad nating maging handa tayo rito kaya importante na maipatupad ang limited truck ban para mabawasan ang pagsikip ng trapiko,” paliwanag niya.

Sinumang lalabag sa ban ay mabibigyan ng karampatang parusa ayon sa Navotas City Traffic Management Code.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?