56

By

Trillanes nagsumite na ng counter-affidavit sa reklamong kidnapping

Nagsumite na ng kanyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) si dating senador Antonio Trillanes IV para sa reklamong kidnapping at serious illegal detention na inihain laban sa kanya ng isang negosyante na nakabase sa Davao.

Sa ikalawang pagkakataon ay nakaharap din ni Trillanes sa pagdinig na isinagawa ang complainant na si Guillermina Barrido.

Bukod kay Trillanes, nagsumite rin ng kontra salaysay si Atty. Judge Sabio, abogadong naghain ng reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court at co-respondent ni Trillanes.

Mariin namang itinanggi nina Trillanes at Sabio na may kinalaman sila sa sinasabing kidnapping at serious illegal detention ni Barrido.

Binigyan naman ng piskalya ang isa pang respondent na si Father Albert Alejo nang hanggang bukas para makapagsumite ng kanyang kontra-salaysay.

Matapos ito ay submitted for resolution na ang kaso.

Sa sinumpaang salaysay ni Barrido, nakasaad na ang krimen ay nangyari umano noong Disyembre 9-21, 2016.

Trinato raw siya na parang bilanggo nina Fr. Alejo, Sabio at Trillanes sa kumbento ng Cannusian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.

Pero sa kanyang counter-affidavit, tinukoy ni Trillanes na hindi niya kailanman nakausap si Barrido bago ang paghahain nito ng reklamo laban sa kanya.

Kaya tinawag niya na “serial scammer” si Barrido.

“Ako personally, hindi ko ‘to nakilala, hindi ko ‘to nakausap ever, ganito gagawa lang siya ng ganyang kuwento at notorious ito sa online community, ilan ‘yung mga testigong nag-submit ng affidavit para sa amin sinasabi dun na talagang serial na ano ‘to scammer. So humihingi ito ng pera maya-maya sa kanila tapos pag hindi nabigyan, aawayin ka na,” ayon kay Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?