61

By

Trillanes: Kidnapping case pang-harass lang

Mariing tinanggi ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang alegasyon ng kidnapping at serious illegal detention na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ayon kay Trillanes, hindi niya personal na nakausap ang diumano’y biktimang si Guillermina Lalci Barrido na may alyas na Guillermina Arcillas.

“Never ko na-meet ‘yan si Guillerma Arcillas or Barrido. Sa’n ka makakita na pari at madre daw ang kasama ko sa pagkidnap at sa kumbento pa daw siya dinetain. Bukod pa d’yan, 2016 pa raw siya kinidnap pero ngayon lang nagfile ng kaso,” sabi ni Trillanes sa kanyang text message sa mga report.

Base sa natanggap niyang impormasyon, nagboluntaryo diumano si Barrido na tumestigo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte subalit nang mabutasan sa kanyang mali-maling kuwento, humingi na lang ito ng pera kapalit ng kanyang testimonya.

“Ang impormasyon ko d’yan ay isa siyang nagboluntaryong magtestigo laban daw kay Duterte pero butas-butas ang kuwento at nanghihingi diumano ng pera kapalit ng kanyang salaysay kaya hindi tinanggap bilang testigo,” sabi ng dating senador.

“Tapos nang hindi nabigyan ng pera, bumaliktad,” saad pa niya, kasabay ng pagsabing noon pa aniyang 2017 ay pinabulaanan na niya ang alegasyon ni Barredo.

Ayon kay Trillanes, ang panibagong reklamong inihain sa kanya ay isa na namang harassment laban sa mga kritiko ng Pangulo.

“Ito na naman ay maliwanag na harassment case at persecution ni Duterte laban sa kanyang mga kritiko,” ayon sa senador.

Nagsampa ang PNP-CIDG na reklamo sa Department of Justice laban kina Trillanes, Fr. Albert Alejo, Atty. Jude Sabio at isang Sister Ling ng Convent of Cannussian Sisters.

Sabi ni Barrido, siya ay ikinulong noong Disyembre 5 hanggang 21 ng 2016. Siya ay unang ikinulong sa Convent of Cannusian hanggang sa ay malipat sa Holy Spirit Convent kung saan siya ay pinuwersang lumagda sa ‘ready-made’ nang affidavit para sirain ang reputasyon ng kasalukuyang administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?