44

By

‘Trigger-happy’ na tsuper huli sa gun ban

Swak sa piitan ang isang lasing na jeepney driver makaraang pagtripan at walang habas na paputukan ng baril ang apat na kapitbahay niyang nag-iinuman sa Quezon City kaninang madaling-araw (Pebrero 9).

Kinilala ni P/Supt. Joel Villanueva ang suspek na si Richard Manalo, 39, nakatira sa Pocalari Compound, Purok 2, Brookside, Brgy. Bagong Silangan, QC.

Batay sa report, alas-12:30 ng madaling-araw nag-iinuman sa Purok 2, Brookside ng nasabing barangay sina Mark John Oliquino, Norman Vitales, Jerome Bucayu at George Bañez, nang sumulpot ang lasing na si Manalo at walang habas na nagpaputok ng baril.

Dahil dito ay nagkaniya-kaniyang pulasan ng takbo ang mga nag-iinumang kapitbahay at nagsumbong sa Batasan Police Station 6 dahilan upang agad ding maaresto si Manalo na umano’y lasing na lasing.

“Mabuti na lamang at wala siyang tinamaan. Dapat pag iinom ng alak, sa tiyan ilagay at huwag sa kayabangan,” galit na pahayag ni Villanueva.

Nakumpiska sa suspek ang Colt caliber .45 pistol (Serial No. 249736) na may lamang tatlong bala, tatlong fired cartridge cases at isang basyo ng bala ng baril.

Nakapiit ngayon ang jeepney driver sa Batasan Police Station 6 habang inihahanda ang kasong alarm and scandal at illegal possession of firearm sa ilalim ng Comelec Omnibus Election Code laban sa kanya.

Isasailalim naman sa beripikasyon ng Firearms and Explosives Office ang nakumpiskang baril sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?