38

By

Tricycle driver binoga sa ulo

Todas ang tricycle driver makaraang barilin sa ulo ng ‘di pa nakilalang gunman habang pumapasada sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ni PInsp. Nick S. Fontanilla, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Erwin Villamor, 38, may asawa, tricycle driver at residente ng Area-A3, Talanay, Brgy. Batasan Hills, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Anthony R. Tejerero, ang insidente ay naganap dakong ala-1: 50 ng madaling-araw (September 22) sa harap na MC Junkshop na matatagpuan sa San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Ayon sa nakasaksing si Rosa Damot, natutulog umano siya nang gulantangin ng dalawang putok ng baril at nang kaniyang usisain ay bumungad sa harapan niya ang duguang nakabulagtang biktima.

Nabatid na ang minamanehong tricyle ng biktima na may body markings 162 ay bumangga pa sa nakaparadang under repair na J-O mobile car ng QCPD Station 6 na ilang metro lamang ang layo sa nangyaring krimen.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph Infante ang dalawang basyo na bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaril para sa pagkikilanlan nang nakatakas na gunman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?