169

By

Trak sinalpok ng van sa NLEX: 10 sugatan

Nagresulta sa trahedya ang pagsabog ng gulong ng umaandar na sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong Sabado.

Ayon sa inisyal na report ng pamunuan ng NLEX, binabagtas ng Hyundai H100 van ang northbound section ng Candaba Viaduct dakong alas-12:18 ng tanghali nang sumabog ang isang gulong nito.

Nawalan ng balanse ang van kaya nagpagewang-gewang ito hanggang sa sumalpok sa isang six-wheeler Elf truck na nasa kabilang linya.

Sakay ng van ang nasa 15 na pasahero nang mangyari ang insidente.

Agad namang dinala sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa Pampanga ang 10 na nasugatan sa insidente.

Dahil sa nangyari, pinayuhan ng NLEX ang mga motorista na ugaliing itsek muna ang sasakyan bago bumiyahe para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Samantala, asahan na umano ang mabigat na daloy ng trapiko mula Pulilan Exit hanggang San Simon Exit dahil dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?