327

By

Traffic enforcer kinaladkad ng SUV driver nag-viral, LTO umaksiyon

Nagpalabas ng ‘show cause order’ ang Land Transportation Office (LTO) laban sa SUV driver na nag-viral sa pangangaladkad ng tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) nitong Sabado.

Ang driver na nakilalang si Orlando Ricardo F. Dizon, Jr. at empleyado ng Digital Network Communications and Computers, Inc. (DNCCI) ay pinatawag ng Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Quezon City.

“The Corporate Secretary of DNCCI, said to be Dizon’s employer, was included in the Show Cause Order to explain why the company should not be penalized and/or fined for failure to exercise due diligence in the selection and supervision of the driver,” ayon kay Atty. Clarence V. Guinto, Acting Director ng Law Enforcement Service ng LTO.

Pinagpapaliwanag din si Dizon kung bakit hindi dapat patawan ng ‘administrative liability’ ang kaniyang lisensya, maging ang employer sa kapabayaan nitong bantayan ang kanilang driver.

“Both Dizon and Corporate Secretary of DNCCI are directed to file a sworn explanation why the vehicle and Dizon’s driver’s licence should not be held administratively,” giit ni Guinto.

Habang iniimbestigahan ang kaso ay pinatawan muna ng LTO ng tatlong buwang suspensiyon ang lisensya ni Dizon at tatlong buwan ding isinailalim sa ‘alarma’ ang minamaneho nitong SUV.

Nitong Sabado, Nobyembre 16, nakunan ng CCTV na pinara ng traffic enforcer ng MTPB na si Adrian Lim ang SUV driver para sitahin dahil sa paglabag sa lane marking sa Gelinos St., kanto ng Laong-Laan St., Sta. Cruz, Manila.

Subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ng SUV driver ang kaniyang minamanehong sasakyan upang tumakas, at nakaladkad ang humarang na tauhan ng MTPB.

Makalipas ang ilang oras ay naaresto din si Dizon sa Batasan Hills Quezon City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?