72

TNT KaTropa nalasing sa free throw ni Brownlee

Nagsalpak ng pressure-packed two free throws si Justin Brownlee, sablay naman ang isa sa dalawang foul throw ni KJ McDaniels at hindi man lang tumama sa ring ang pang-OT sanang three-point attempt ni Ray Parks Jr. para itakas ng Barangay Ginebra Gin Kings ang 96-93 panalo nitong Biyernes ng gabi kontra TNT KaTropa sa ikalawang laro ng eliminasyon sa PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Tinanghal na Best Player ng laro si Japeth Aguilar sa ikinamadang 29 points, sa likod ng 13-of-16 field goals, kasahog pa ang 10 boards at 2 assists para ibigay sa Ginebra ang 6-3 panalo-talo baraha katabla ang kapatid na San Miguel Beermen sa fourth at fifth spot.

Laglag naman sa 7-2 kartada ang KaTropa kabuhol ang Meralco Bolts sa second at third place ng team standings.

Tumapos si Brownlee ng 24 markers, 16 rebounds, 6 feeds at 1 steal para sa isa na namang all-around game.

Angat ng dalawa ang Ginebra, 94-92, sa huling 15 segundo nang ma-foul habang duma-drive si McDaniels.

Isinalpak ng TNT import ang unang free throw subalit sumablay na sa pangalawa.

Sa kasunod na play, na-foul naman si Brownlee ni McDaniels at dito niya kalmanteng ipinasok ang dalawang free throw na nagbigay ng panalo sa crowd darling Gin Kings.

Sinubukan pa ng bagong salta sa TNT na si Parks na dalhin sa overtime ang laban subalit kabyos ang huling tira nito sa tres.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?