196

‘Tisoy’ malapit na sa Bondoc Peninsula

Napanatili ng Bagyong “Tisoy” ang lakas nito at bumabaybay na malapit sa Bondoc Peninsula, ayon sa Pagasa.

Sa pinakahuling weather forecast na nilabas ngayong alas-otso ng umaga, Martes, namataan si Tisoy sa coastal waters ng San Francisco, Quezon.

Kumikilos ito nang pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras, at may taglay na lakas ng hangin na 155 kilometro kada oras at may pagbugsong 235 kilometro bawat oras.

Dahil sa “eyewall” nito, nakararanas na ng malakas na hangin at ulan ang Timog Quezon, Marinduque, at Romblon. Sa loob din ng tatlong oras ay maapektuhan ng eyewall ang Cavite, Batangas, at hilagang bahagi ng Mindoro.

Ngayong Martes ng umaga hanggang hapon, inaasahan ng state weather bureau ang tuluy-tuloy na heavy to intense rains sa Bicol, Romblon, Marinduque, Mindoro Provinces, CALABARZON, Metro Manila, Bataan, Pampanga at Bulacan.

Occasional na malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa iba pang bahagi ng Gitnang Luzon, habang intermittent na malakas na pag-ulan sa Samar, Biliran, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras, at hilagang bahagi ng Negros at Cebu.

Inaasahan din ang 2-3 meters na storm surge sa ilang coastal area sa Batangas, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Ticao at Burias Islands, at hilagang coast ng Timog Quezon. Samantala, 1-2 meters naman sa Camarines Norte, hilagang coast ng Southern Quezon, Cavite, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, at Zambales (Subic Bay coastal areas).

Samantala, inangat na ang Tropical Cyclone Wind Signal sa Bohol, Siquijor, Southern Leyte, at iba pang bahagi ng Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?