178

By

Tingnan: Selfie ng 2 gorilla, anti-poaching ranger viral sa social media

Isang cute na selfie ng park ranger na si Mathieu Shamavu kasama ang 2 gorilla sa Congo ang kinagiliwan sa social media.

Ayon sa the Guardian sina Ndakazi at Ndeze ay 2 ulilang gorilla sa Virunga National Park sa Democratic Republic of Congo.

Nangyari ang viral selfie nang sinusuri umano ni Shamavu ang kanyang phone at makita sya nila Ndakazi at Ndeze — tila ginagaya nila ang galaw ng lalaki kaya naman kumuha si Shamavu ng litrato kasama ang mga ito.

Ang Virunga ay ang pinakalumang national park ng Africa kung saan lumaki ang mga mountain gorilla na umaabot ng 1000.

Patuloy paring peligroso ang kalagayan ng mga gorilla dahil sa kanilang lokasyon sa silangan ng DRC.

Kinakailangan sila bantayan mula sa mga ilegal na mangangaso, charcoal smuggling, at ang pagbabanta ng Mai-Mai militias sa kanilang kapakanan.

Ayon sa Anti-poaching rangers sa santuario, sina Ndakazi at Ndeze ay ilan sa mga unang inalagaan at pinalaki sa Senkwekwe Mountain Gorilla Orphanage Centre. 12 taon na ang nakalipas nang sila ay dinala doon, nang pinatay ang kanilang mga pamilya ng mga poacher.

Dahil lumaki sila na sobrang malapit sa mga nag-aalaga sa kanila, natuto ang mga gorilla na gayahin ang kilos ng mga tao sa paligid nila.

“In terms of behaviour, they like to mimic everything that is happening, everything we do,” giit ni Shamavu.

Kailangan nila ng patuloy na pangangalaga, kaya malapit lang ang mga tirahan ng ranger sa kanila para makipaglaro at pakainin ang mga ito.

Ang Virunga ay mistulang kakaiba dahil sa dami ng tropikal na gubat, mga bundok na may niyebe, at mga aktibong bulkan.

Kinailangan gumawa ng pambihirang hakbang ang pamahalaan ng Virunga upang panatilihing ligtas ang mga bisita.

Napapalibutan ng rangers at sniffer dogs ang gubat.

Noong Mayo lamang ay may napatay na ranger nang mabaril. Mayroon ding mga bisita na panandaliang ginawang bihag. Ang parke ay umaasa sa mga donasyon ng mga bisita. Kaya ginamit nila ang viral photo para makalikom ng pondo na umabot ng $50,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?