101

By

TINGNAN: Mga artista nagsitulong sa Taal evacuees

Sunud-sunod ang tulong at suportang inihahandog ng mga artista, local man o international, para sa mga nasalanta ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Nanguna rito ang celebrity couples na sina Angel Locsin-Neil Arce at Melai Cantiveros-Jason Francisco.

Sumama naman si aktor Matteo Guidicelli sa pamamahagi ng Philippine Army ng relief goods sa 200 pamilya sa Batangas City Evacuation Center sa Barangay Poblacion 3 ng Sto. Tomas, Batangas.

Samantala, mga N95 mask, bote ng tubig, noodles at kape ang inambag ni Nadine Samonte, at binigay kay aktres Jennica Garcia na kasama ng Alliance Search and Rescue Medical Team sa pamimigay ng mga donasyon sa 400 pamilya sa Barangay Niogan sa Taal, Batangas. Hindi aniya maiiwan ni Nadine ang kanyang mga anak kaya pinasabay na niya kay Jennica ang mga donasyon.

Isang “bazaar for a cause” naman ang nilunsad ni Karla Estrada mula kahapon, Enero 14, kung saan lahat ng kikitain ay mapupunta sa mga donasyon para sa mga nasalantang pamayanan.

Bumuhos din ang panawagan para sa mga donasyon at panalangin mula sa mga international star, gaya nina Filipino-American comedian Jo Koy, Siwon Choi ng K-pop boy group Super Junior, L (Kim Myung-soo) ng Infinite, at V (Kim Tae-hyung) ng BTS.

🐯: My heart really aches these days. I hope no one gets hurt and that nature doesn’t hurt any more people. Please. Really 🙏🏻

Thank you Taehyung
😭🥺 this really touched me@BTS_twt#OurPrideTaehyung pic.twitter.com/7jBgxqrHHW

— TheLindoPress (@TheLindo___KTH) January 13, 2020

Batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkoles, Enero 15, nasa 53,019 katao naman ang apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng naturang bulkan.

Nasa 43,681 indibidwal o 10,000 pamilya naman na mga residente ng Cavite, Laguna, at Batangas ang kasalukuyang nasa 217 evacuation center.

Pang-apat na araw nang nasa alert level 4 ang Taal Volcano ngayong araw at inaasahan ang mapaminsalang pagsabog sa loob lang ng ilang oras o araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?