35

By

Tindero ng taho, tinepok sa inuman

Nagwakas sa trahedya ang masayang inuman makaraang mapatay sa saksak ang isang taho vendor sa Quezon City, Martes ng gabi.

Batay sa report kay PLt. Nick Fontanilla ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang napatay na biktima na si Leonard Cloma, 38, may-asawa, residente ng Brgy. Commonwealth.

Kasalukuyan namang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang kasama niyang si Jay-Ar Palagar, 19, binata, construction worker, dahil sa tinamong saksak sa kanang braso.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Julius Vinasoy ng CIDU, naganap ang insidente alas-nuwebe ng gabi noong Oktubre 15 sa eskinita sa Riverside St., Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.

Masaya umanong nag-iinuman ang mga biktima kasama ang dalawa pang kaibigan nang dumaan umano ang suspek na nakilalang si Sonny Boy.

Ikinagalit ito ni Cloma at sinigawan ang suspek ng, “Gusto mo sapakin kita!”

Galit namang sumagot ang suspek ng, “Sige sapakin mo ako, P1,500 lang naman!”

Dito na sinuntok ng biktima ang mukha ni Sonny Boy na nawalan ng balanse at muntik nang bumagsak.

Mabilis namang rumesbak ang suspek at sinipa si Cloma sa likuran. Hindi pa ito nakuntento at kinuha sa kaniyang dalang backpack ang isang patalim at sinaksak ang biktima.

Dahil dito ay tumayo na si Palagar upang awatin ang dalawa subalit maging siya ay sinaksak ng suspek bago tuluyang tumakas.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?