110

Dec 28, 2019 @ 20:15
By

Tindahan ng paputok sa Bocaue, nagliyab

Nag-panic ang mga mamimili ng paputok sa Bocaue, Bulacan makaraang magliyab ang isa sa mga tindahan nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protections (BFP), bandang alas-6:10 ng gabi, Disyembre 28 nang magsimula ang sunog sa Barangay Biñang 1st sa Bulacan.

Batay sa report, isang tindahan lamang ang nasunog na umabot sa ikatlong alarma at naapula pasado alas-7:00 ng gabi.

Hindi nito na nadamay pa ang mga katabing tindahan ng paputok.

Nabatid na ang sunog ay nagsimula sa stock room sa likuran ng tindahan ng paputok at nang sindihan ang ilaw ay bigla na lamang may nag-spark sabay ng pagliliyab ng apoy at nasunog ang buong tindahan.

Ayon sa BFP, awtorisado naman at may permit ang nasabing stall para magtinda ng paputok at sinisiguro nilang laging may nakaistambay sa lugar na mga trak ng bumbero.

Wala namang napaulat na nasaktan o namatay sa sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?