153
Tinapon ng Lakers, pinulot ng Kings
By

Tinapon ng Lakers, pinulot ng Kings

Isang araw lang ang nakalipas, may bago na agad na tahanan ang dating Los Angeles Lakers coach na si Luke Walton.

Matapos patalsikin si Dave Joerger ng Sacramento Kings general manager Vlade Divac, hindi nagpatumpik-tumpik ang team management para sunggaban ang binitawan ng Lakers na si Walton, nagsilbi ng tatlong season sa LA-based squad.

Matatandaan na dati nang sinubukang kunin ni Divac ang 39-anyos na si Walton sa Kings, ngunit napurnada ito dahil mas piniling kunin ang head coaching staff sa Lakers na kanya nang dating pinaglaruan.

Sa tatlong season ni Walton sa Lakers, hindi nagkaroon ng winning season ang koponan, sadlak sa win-loss record na 26-56 noong 2017, 25-47 noong 2018 at ngayon kahit na nasungkit ang serbisyo ng four-time league MVP na si LeBron James ay bigo pa ring makatungtong sa playoffs.

Ngayon ay susubukan ni Walton na igiya ang mga bagitong manlalaro ng Sacramento, nagpakitang kayang makipagsabayan sa Western Conference bago ang All-Star break, nakatabla sa eight spot, ngunit nasadlak at tumapos lamang sa 39-43.

Titimplahin ni Walton ang emerging star na si De’Aaron Fox, na kakagaling lang sa breakout season tangan ang 17.3 poiints, 7.3 assists at 3.8 rebounds, kasama pa ang ilan pang bago sa liga na sina Marvin Bagley III, Buddy Hield at Willie Cauley-Stein.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?