233
Teodoro namigay ng sapatos sa mga guro ng Marikina
By

Teodoro namigay ng sapatos sa mga guro ng Marikina

Binigyan ng maagang pamasko ng Marikina City Local Government Unit (LGU) ang mga guro at non-teaching personnel ng lungsod sa pagbibigay sa mga ito ng isang pares ng sapatos na gawa ng mga kilalang manufacturer sa lungsod.

Ayon kay Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, aabot sa 3,000 pares ng sapatos ang kanilang ipamimigay sa mga guro, non-teaching personnel, pati na rin sa mga security guard at canteen staff ng mga pampublikong paaralan sa lungsod bilang pasasalamat sa kanilang paghihirap para mapabuti ang edukasyon ng mga batang Marikeno.

“Napakahalaga nila sapagkat sila ang tumatayong ama’t ina sa ating mga anak sa loob ng paaralan. Walang sawa silang nagtuturo at nagpapasensya sa ating mga anak upang maturuan sila at magkaroon ng magandang buhay balang araw,” pahayag ni Mayor Teodoro sa kanyang ipinadalang statement.

“Marapat lamang na atin silang i-treat ng isang pares ng leather na sapatos. Ito ay munting pasasalamat ng lungsod Marikina sa ating masisipag na guro, isasama ko na rin iyong mga guard at canteen staff,”dagdag ng alkalde.

Ayon pa kay Teodoro, umikot sila noong Nobyembre 12 hanggang 14 ng taong ito upang mamigay ng mga school uniform sa mga estudyante ng kinder sa mga pampublikong paaralan at isinabay na rin nila ang pagkuha ng size ng mga paa ng mga guro at teaching staff para sa kanilang libreng sapatos.

Para makuha ang kanilang libreng sapatos ay binigyan ni Teodoro ng claim stub ang mga guro at non-teaching personnel na kanilang ipe-present sa kanilang pagkuha ng libreng balat na sapatos sa city hall ng Marikina.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?