539

By

Taxi driver na holdaper arestado

Naaresto ang isang taxi driver matapos umanong mangholdap ng isang pasahero na kakadating lang mula Hong Kong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Ayon sa ulat, nadakip ng airport police at Las Piñas Police si Orestes Quizon dakong alas-2:30 ng hapon noong Abril 17.

Dumulog ang biktimang kinilala lang sa pangalang Karen, isang overseas Filipino worker (OFW) mula Hong Kong, sa NAIA para i-report na hinoldap siya ni Quizon ilang minuto matapos niyang sumakay sa taxi nito.

Nagmakaawa umano ang biktima kaya inabandona siya ng suspek sa C5 Road matapos siyang holdapin.

Agad ipinag-utos ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang pagsasagawa ng follow-up operation para maaresto ang suspek.

Natagpuan ang taxi na inabandona ng driver malapit sa bisinidad ng airport.

Sa isinagawang follow-up operation ilang oras matapos ang insidente, nadakip ng Las Piñas Police si Quizon.

Samantala, nakipag-ugnayan na ang airport police sa Las Piñas Police para marekober ang mga gamit na tinangay sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?