125
Task force kontra vote-buying inilunsad ng Comelec
By

Task force kontra vote-buying inilunsad ng Comelec

Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) ang Anti Vote-Buying Task Force upang magbantay at tuluyang mapanagot ang mga lumalabag sa election law.

Itinalagang pinuno ng task force si Comelec Commissioner Al Parreño habang vice chairman naman si Commissioner Antonio T. Kho.

Tututukan ng task force ang mga kaso ng vote-buying na maaari umanong maganap sa Mayo 13, 2019 elections na sinasabing kinasasangkutan ng mga kandidato at kanilang mga supporter.

Magsisilbing deputy ng Comelec task force ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Department of Interior and Local Government kabalikat ang Integrated Bar of the Philippines.

Ganap na ala-una ng hapon nang pormal na ilunsad ang task force.

Tuwing halalan ay talamak umano ang vote-buying kung saan ay inaalok ng pera o pabor ang mga botante kapalit ng kanilang boto.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, isang election offense ang vote-buying.

Paparusahan din ang mga tatanggap ng pera mula sa vote-buying pero bibigyan sila ng “immunity” kung isusumbong nila ang nag-alok sa kanila ng pera.

Kailangan lang aniyang magbigay ng affidavit sa korte ang mga tumanggap nito.

Maaaring idulog sa lokal na korte o kaya sa Comelec ang mga masasangkot sa vote-buying.

May parusa itong diskuwalipikasyon sa pagtakbo, pagboto o pagkakakulong na mula isa hanggang anim na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?