57
ABANTE Panfilo Lacson pnp tokhang
By

Tama na ang ‘bulungan’ sa 2019 national budget – Lacson

Isusulong ni Senador Panfilo Lacson na maging obligado na para sa mga senador at kongresista na isapubliko ang buong listahan ng kanilang mga individual amendment at institutional amendment sa pambansang badyet.

Ito ay upang masawata na ang kanya-kanyang pagsisingit ng pork barrel at upang mabantayan din sila ng publiko.

Ayon kay Lacson, hindi na dapat umulit sa susunod pang mga pambansang badyet ang pag-amyenda o pagsisingit ng pondo na dinadaan lang sa ‘pagbulong’ sa chairman ng Committee on Finance ng Senado na umuupo rin na co-chairman ng Bicameral Conference Committee.

Sa Senado, naging kalakaran na umano na bumubulong sa chairman ng Senate Committee on Finance ang nagpapasingit ng pondo sa national budget.

May ilan umanong isinusulat lang sa tissue paper ang ipinapapasok na pondo o pork barrel.

Leksyon ito ng nangyari sa kontrobersyal na 2019 national budget na aniya ay hitik sa pork barrel insertions/individual amendments at institutional amendments.

“I will strongly suggest na mawala ang amendment na binubulong lang. Kasi nangyayari bulungan sa amendments kaya pinagkakatiwala sa chairpersons ng bicameral conference committee dahil naibulong na nila ang gusto nila,” ani Lacson.

Sa 2019 national budget, sina Lacson at Senate minority leader Franklin Drilon lamang ang opisyal na naglabas ng listahan ng kanilang individual at institutional sa panukalang 2019 national budget.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?