21

By ,

SWU ibibida ang Visayas sa NBTC Finals

Wala man ang long-time contenders na University of Visayas at Sacred Heart-Ateneo de Cebu, nanatili pa rin sa isa sa mga dapat abangan ang Visayas sa 2019 Chooks-to-Go SM NBTC League National Finals.

Nanaig sa NBTC Cebu ang Southwestern University Baby Cobras matapos nitong pabagsakin ang University of San Jose-Recoletos Baby Jaguars.

Dahil parehong nakapasok sa Finals, nakasikwat ang mga ito ng spot sa national championships para sa high school ngayong taon.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi nakasama sa 32-team tournament na ito ang UV Baby Green Lancers – na bigong makapasok sa elimination round – at SHS-Ateneo Magis Eagles – na nalaglag sa semifinals ng NBTC Cebu.

Magkagayon man, kailangan pa rin abangan ang SWU na pinangunahan ng kaliwete na si Kent Sanchez at maliksi na si Kendall Limana at ang USJ-R na kumapit sa kanilang go-to-guy na si Elmer Chavez.

Parehong umaasa ang Baby Cobras at Baby Jaguars na masundan nila ang yapak ng SHS-Ateneo na naging unang NBTC champion mula sa Visayas noong 2015.

Kakatawanin din sa Visayas ang Sta. Clarita International School ng Iloilo, STI-West Negros University ng Bacolod, St. Louis School of Don Bosco ng Dumaguete, at ang Dolores National High School ng Eastern Samar.

Makikipagbakbakan ang Visayas qualifiers sa 26 pang tropa sa taunang NBTC League Nationals mula Marso 18 hanggang 24 sa Mall of Asia Arena.

Noong nakaraang taon nasungkit ng National University ang korona sa Division 1 habang nanguna naman sa Divison 2 ang La Salle Lipa.

Ang torneong ito ay suportado ng Chooks-to-Go, Darlington-Exped Socks, EPSON, Huawei, Freego, Purefoods, Gatorade, Go for Gold, SM, at Molten.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?