42
malacanang
By

SWS dapat naging patas sa survey tungkol sa mga pulis – Palasyo

Kinuwestiyon ng Malacañang ang paraan ng pagtatanong ng Social Weather Stations (SWS) sa kanilang survey patungkol sa Philippine National Police.

Kasunod ito ng fourth quarter 2018 survey kung saan lumabas sa resulta na mayorya ng mga Filipino ay naniniwalang sangkot sa illegal drug trade, extrajudicial killings at pagtatanim ng ebidensiya sa mga drug suspect ang mga pulis.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi maitatangging may mga bulok na alagad ng batas, pero dapat isinama rin sana sa survey ang magagandang ginagawa ng mga pulis sa kampanya kontra iligal na droga.

“The Palace is aware that there are rotten eggs that tend to destroy the integrity of the great institution. But in the spirit of fairness, SWS should have also fielded a question regarding the good deeds of our policemen in the war against drugs,” ani Panelo.

Sa katunayan ani Panelo ay umabot na sa 165 ang mga napapatay na pulis at 575 ang nasugatan sa kampanya kontra iligal na droga.

Ang mga numerong ito aniya ang magpapatunay na lumalaban ang mga drug suspect sa mga pulis sa lehitimong drug operations, taliwas sa nais palitawin ng mga kritiko na sinadyang pinatay ang mga suspek.

Binigyang-diin ni Panelo na nagkaroon na ng internal cleansing o paglilinis sa hanay ng mga pulis at itinatag ang Counter-Intelligence Task Force para habulin ang mga bulok na pulis na gumagawa ng iligal na aktibidad.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte aniya ay hindi kinukunsinti ang mga maling aksiyon ng mga alagad ng batas at may zero tolerance ito sa mga pulis na hindi gumagawa ng tama gaya ng mga nahatulang pumatay kay Kian delos Santos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?