66

By

Susunod na BuCor chief, dapat killer – Bong Go

Isang killer o mamamatay tao umano ang dapat na susunod na mamuno sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ang irerekomenda ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte na ngayo’y naghahanap na ng kapalit sa sinibak na dating BuCor chief na si Nicanor Faeldon.

“Basta ako nire-recommend ko kay Pangulo dapat mamuno dyan sa BuCor killer. Basta killer!” pahayag ni Go sa panayam ng mga reporter.

Ayon kay Go, naghahanap na umano si Duterte ng dating militar o dating na pulis na papalit kay Faeldon sa BuCor subalit mas mainam aniya kung isang killer ang ilalagay sa naturang posisyon.

“Exasperated na po ang pangulo dito sa BuCor na ito. Naghahanap na po siya ng mamumuno ng BuCor. Maaring naghahanap siya ng dating militar, dating pulis at retiree. Ako naman po nire-recommend ko…killer,” seryosong pahayag ni Go.

Tumanggi naman ang senador na magbigay ng pangalan ng taong kanyang irerekomenda bilang susunod ng BuCor chief.

Inihayag din ni Go, isang testigo na isang opisyal ng gobyerno ang ihaharap niya ngayong araw sa ikalimang pagdinig Senate committee on justice and human rights kaugnay ng anomalya “hospital pass for sale”.

“Mayroon akong isang witness malaking witness po ito. Medyo malaking tao po ito isang opisyal handang magsalita ng kanyang mga nalalaman,” ayon kay Go.

Boluntaryo umanong lumapit sa kanya ang testigo at humiling na bigyan siya ng proteksiyon sa kanyang gagawing pagtestigo tungkol sa bayaran “hospital pass for sale” scheme.

“Nandoon siya mismo sa ospital nang nangyayari yong illegal drug trade operations. Actually may mga pinayagang gumagamit ng cellphone kahit bawal. Maaring totoong may bayaran talaga diyan sa loob,” sabi pa ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?