52

May 23, 2020 @ 18:16
By

Suspensiyon sa pagbabayad ng upa sa panahon ng kalamidad, sinusulong ni Lapid

Naghain ng panukala si Senador Manuel “Lito” Lapid na layong magkaroon ng moratorium sa pagbabayad ng renta kapag mayroong national at local state of calamity.

Gayundin ang 30 araw pang palugit sa pagbabayad pagkatapos ng state of calamity o emergency.

Sa kanyang Senate Bill 1525, itinutulak din ng senador ang moratorium laban sa pagpapaalis sa mga nagrerenta kapag hindi pa nakapagbayad maliban na lang kung, “a lessee/sublessee perpetrates a criminal act that threatens the life, limb and property of the lessor, sublessor or owner, other tenants or staff of the property in which the residential unit is located.”

“Kakambal na ng bawat kalamidad at trahedya na humahagupit sa ating bansa ang matinding tama sa ekonomiya. Ang nararanasan nating (coronavirus disease) COVID-19 pandemic ngayon ay nauwi sa pagsasara ng maraming negosyo at pagsuspinde ng maraming trabaho kaya marami sa ating mga kababayan ang walang kita at walang pagkukunan ng pambayad ng renta,” ani Lapid.

“Marapat lang na siguruhing hindi sila mapapaalis sa kanilang mga nirerentahang bahay sa panahong hindi pa nila kayang magbayad dahil na rin sa umiiral na State of Calamity o Emergency,” paliwanag pa niya.

Sakop aniya nito ang mga apartment, bahay, dormitoryo, kuwarto at bed spaces.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?