30

By

Suporta sa mga migrante, tiniyak ng CBCP

Muling tiniyak ng Simbahang Katolika sa bansa ang buong pusong pagsuporta sa mga migrante upang maitaguyod ang kanilang karapatan.

Sa pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) mahalagang pangalagaan ang bawat migrante saan mang panig ng daigdig.

Inihayag ito ng obispo kaugnay sa pagkalunod ni Oscar Alberto Ramirez at dalawang-taong gulang niyang anak sa Rio Grande river sa Matamoros, Mexico nang sinubukan nilang tawirin ang ilog patungo sa Brownsville, Texas.

Ang Rio Grande river ang tinaguriang U.S – Mexico border kung saan maraming mga migrante ang sumubok na tawirin ito upang humanap ng kabuhayan sa Amerika.

Naitala noong 2018 na 283 migrante ang nasawi nang tangkain nilang tawirin ang border ng Mexico.

Bukod sa ayuda sa pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs), may mga programa ang komisyon sa iba’t ibang mga bansa upang tugunan ang kanilang pangangailangan.

Sa rekord ng pamahalaan, mahigit sa 10 milyon ang mga Filipino sa iba’t ibang bansa o katumbas sa halos 5,000 ang umaalis araw-araw upang maghanap-buhay sa ibayong dagat.

Inilunsad ng Vatican noong 2017 sa pangunguna ni Pope Francis at Caritas Internationalis ang Share the Journey Campaign na layong maturuan ng Simbahan ang mga tao na makipag-ugnayan sa mga tunay na migrante, alamin ang kwento ng kanilang buhay at kung ano ang nangyari sa kanilang paglalakbay.

Ang dalawang-taong kampanya ng “Share the Journey” ay naglalayon ding mapalawak ang kamalayan, magtaguyod at magpalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga migrante, mga refugee at mga komunidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?