123

By

Sundalo na nagpaputok ng baril noong Pasko, iniimbestigahan na

Sinisiyasat na ng 10th Infantry Division (ID) ng Philippine Army ang sundalo umanong nanakit ng mga sibilyan at nagpaputok pa ng kanyang baril noong Pasko.

Kinilala ni Brig. Gen. Jose Faustino Jr., 10ID commander, ang sundalo na si Private Junifort Agustin ng 67th Infantry Battalion na nakabase sa Baganga, Davao Oriental.

Naaresto si Agustin kasama ang dating New People’s Army na si Marlon dela Torre noong Disyembre 25 matapos masangkot sa insidente.

Itinuro umano si Agustin ng mga residente ng Barangay Salingcomot, Baganga na siyang nanakit sa kanila.

Nanutok pa umano at nagpaputok ng baril ng ilang beses si Agustin para matakot ang mga nagreklamo.

Isa sa mga biktima na si Archie Bragat ang nakadisarma kay Agustin kaya napilitan ang dalawang suspek na tumakas.

Ilang oras matapos ang insidente ay nagtungo sa Baganga municipal police sina Agustin at Dela Torre para kunin ang kalibre .45 na naagaw ni Bragat pero inaresto sila at ikinulong dahil sa physical injury at illegal possession of firearm. (PNA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?