828

By

Suko sa BPC race: Mas mabuting sumali sa super team – Ray Parks

Ilang oras bago ianunsyo ang nagwaging Best Player of the Conference (BPC), nagparinig si Blackwater rookie Bobby Ray Parks Jr sa Twitterverse.

Ayon sa three-time Asean Basketball League local MVP, tila mas nakabubuti pang sumali sa isang super team sa liga.

“That is why its better to join a super team,” wika ni Parks.

Hindi klaro kung anong pinapatungkulan ni Parks sa nasabing tweet, ngunit bago ito ay ibinahagi ni Parks ang mga maglalaban-laban sa pagka-BPC kung saan kasama ang kanyang pangalan.

Sa listahan ng mga kandidato sa nasabing award, una si Parks, kasunod ang kapwa rookie na si Columbian Dyip forward Cjay Perez, four-time BPC awardee Jayson Castro, five-time league MVP June Mar Fajardo at NorthPort neophyte Robert Bolick.

Kung titingnan ang statistical points, nangunguna ang dating National University stalwart tangan ang 37.2 SPs, ikalawa naman ang 2018 top pick na si Perez sa 35.1 SPs.

Ngunit maliit ang tsansa na makuha sinuman sa dalawa ang BPC plum.

Nalaglag ang Blackwater Elite sa quarterfinals, ang Dyip naman ay bigong makatungtong sa playoffs.

Samantalang ang koponan nina Castro (33.7 SP) at Fajardo (32.9 SP) ay parehong nakatungtong sa Finals, mas pinalakas ang hatak sa individual trophy.

Sa social media ay bumuhos ang suporta kay Parks, ang iba ay hinihikayat na lumipat na lang si Parks sa mas malakas na koponan, habang ang ilan naman ay kinukumbinsi ang manlalaro na manatili na sa Blackwater para sa balanse ng liga.

“wag idol hayaan mong buhatin mo blackwater mas okay po yun,” sey ni @turla_paul.

“Idol, your ok na sa BWE at napatunayan mo na magaling ka at napaganda mo ang standing ng team nyo last conf. Been following you since NU days, Alab and Gilas.. and still hoping and waiting na irepresent mo ule ang Pinas,” pahayag naman ni @williamdimas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?