42

Jan 3, 2020 @ 19:18
By

State of national emergency kailangan pa sa Mindanao – Palasyo

Idinepensa ng Malacañang ang patuloy na pag-iral ng state of national emergency kahit tapos na ang ipinairal na Martial Law sa buong Mindanao.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa ilalim ng Proclamation 55 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong September 4, 2016, may kapangyarihan ito na utusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para hadlangan o supilin ang anumang uri ng karahasan sa rehiyon at agapang huwag kumalat sa ibang bahagi ng bansa.

Hindi aniya katulad ng Martial Law na kailangan ang go signal ng Kongreso, ang state of national emergency ay maaaring ipatupad sa pamamagitan ng utos ni Pangulong Duterte.

Ipinaliwanag ng kalihim na mahalagang maipairal pa rin ang state of national emergency para matiyak ng AFP at PNP ang kaayusan sa parte ng bansa kung saan may problema pa rin ng rebelyon at terosimo.

Umapela naman ang Malacañang ng kooperasyon sa sambayanan, kasabay ang pagtiyak na hindi pahihintulutan ng gobyerno ang anumang uri ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang sibil at politikal sa panahon ng pag-iral ng state of national emergency.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?