234

By

Spot report ng 13 ‘ninja cop’ kasinungalingan – dating Pampanga deputy director

Nagsinungaling umano ang 13 pulis Pampanga sa kanilang pag-turnover sa iligal na droga na kanilang nakumpiska sa drug bust operation noong Nobyembre 2013.

Ayon kay retired Police General Manuel Gaerlan, dating deputy regional director for operations sa Pampanga, kasinungalingan umano ang ginawang report ni Police Lieutenant Colonel Rodney Raymundo Louie Baloyo.

Sabi ni Baloyo, isinagawa nila ang operasyon alas-4:40 ng hapon o dalawang oras at kalahati matapos makatanggap ng impormasyon mula sa informant tungkol sa Chinese drug trafficker.

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson kung paanong naberipika ng grupo ni Baloyo ang inpormasyon, paanong na-secure ang marked money, nagsagawa ng surveillance sa sinasabing drug den gayundin ang pagsagawa ng drug bust sa loob lang ng dalawa at kalahating oras.

“Kasinungalingan po ang spot report to cover-up what really happened nung umaga. Alas-diyes nila ng umaga pinasok (ang drug den),” sabi ni Gaerlan, na naatasang mag-imbestiga sa operasyon ng grupo ni Baloyo.

Sabi pa ni Gaerlan, hindi umano 36 kilo ang nakuha ng grupo sa bahay ng Chinese drug lord na si Johnson Lee sa Mexico, Pampanga, kundi halos sa 200 kilo.

“Nung una, tuwang-tuwa po kami. It is not every day we are able to confiscate 36 kilos of illegal drugs. Later on, nalaman po namin ‘yung irregularities. Hindi lang po 36 kilos, kung hindi 200 kilos,” sabi ni Gaerlan.

Inihayag din ni Gaerlan na hindi rin kumuha ng clearance ang grupo ni Baloyo mula sa kanilang mga superior, wala ring search warrant at koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency bago isinagawa ang operasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?