592
tito-sotto

Sotto dedma sa pag-ismol ni Enrile sa Senado


Binalewala na ni Senate President Tito Sotto III ang ilang beses nang pagpintas ni dating Senador Juan Ponce Enrile sa pagtatrabaho ngayon ng Senado.

Ayon kay Sotto, hindi naman totoo ang pinagsasabi ni Enrile kaya hindi siya nasasaktan.

Batid din daw niya na gusto lang magpapansin ni Enrile dahil kandidato ito sa pagkasenador.

“Hindi, kasi hindi naman totoo eh. Ang masakit kapag totoo. The records can speak for itself,” sagot ni Sotto sa tanong kung naiinsulto na kay Enrile bilang lider ng Senado.

“Siguro mali ang ibinigay na info kay Senador Enrile. Saka alam mo na pag kampanya, may kanya-kanyang style ng pag build-up sa sarili,” pahayag pa rin ni Sotto.

Sa magkasunod na press statement nung nakaraang linggo, sinabi ni Enrile na “coffee table legislation” ang lumalabas ngayon sa Senado dahil dinadaan lang ang mga panukalang batas dito sa simpleng pag-uusap sa halip na magkaroon ng mga debate sa kanilang plenaryo.

“Baka misinformed siya sapagkat dinebate naming nang matagal ang Bangsamoro Organic Law, National ID System, Occupational Health and Safety Standard, coco levy, Universal Health Care, ang hahaba ng debate nun!” giit ni Sotto.

Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?