55

Dec 6, 2019 @ 14:38
By

Snatcher ng cellphone, sugatan nang masagi ng bus

Sugatan ang isang kilabot na snatcher nang masagi ng isang pampasaherong bus habang nakikipaghabulan sa nabiktima nitong estudyante na hinablutan ng cellular phone nitong Huwebes ng hapon sa Pasay City.

Nagtamo lamang ng galos sa paa at sa katawan ang suspek na nakilalang si Lawrence Jau Dicumutan, 22 anyos, binata, obrero at nakatira sa Barangay Palar, Taguig City.

Base sa report ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, dakong alas-4:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa may Piccio Garden Road sa Barangay 183 Villamor, nang nasabing lungsod kung saan mag-isang naglalakad ang biktimang si Prince Byron Binga-An, 20, college student habang gamit ang kanyang cellphone sa pagte-text.

Dito biglang sumulpot ang suspek na si Dicumutan at hinablot ang cellphone ng biktima.

Nagkaroon ng habulan hanggang sa tumawid ng kalsada ang suspek subalit sa pagtawid nito ay nasagi siya ng isang pampasaherong bus dahilan para hindi na siya makatakbo at iika-ika sa paglakad.

Nakahingi ng saklolo ang biktima sa mga pulis na nasa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sa ngayon ay nakakulong si Dicumutan sa Villamor Police Community Precinct (PCP) detention cell at nahaharap sa kasong robbery snatching.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?