114

Mar 23, 2020 @ 8:04
By

SM tumulong sa mga empleyado, COVID-19 frontliner

Kapakanan umano ng mga empleyado ang pangunahing layunin ng SM ngayong COVID-19 crisis, kaya sa buong panahon ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon, ang mga empleyado ay makatatanggap ng kanilang karampatang sahod.

Hindi rin mababawasan ang kanilang vacation at sick leaves mula Marso 17 hanggang Abril 12, 2020.

Sa kanilang press release, sinabi ring ang mga rank and file (hanggang department managers) na patuloy na nagtatrabaho sa mga bukas na tindahan sa lugar na apektado ng quarantine, at doon sa mga bumubuo ng skeletal force na mahalaga o crucial sa pagpapatakbo ng negosyo ay bibigyan ng karampatang premium pay.

Nagbigay din umano ng tulong ang SM sa mga kawani ng mga kompanyang patuloy na nagseserbisyo sa kompanya, katulad ng mga security guard at janitor. May pahatid-tulong din ito sa mga promodizer.

“Sa panahon ng pagsubok na ating kinakaharap, kailangan nating pahalagahan ang ating frontliners at ibigay ang kanilang pangangailangan upang maprotektahan sila at ang kanilang pamilya, nang patuloy silang makapagsilbi sa ating komunidad,” wika ni Hans Sy na kumakatawan sa pamilyang Sy.

Naglaan din ang SM Group ng P100-milyong tulong para sa protective equipment, testing kits, at disinfectant para sa mga health workers ngayong COVID-19 crisis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?