47

Jun 30, 2020 @ 18:42
By

Skye Bar sa Makati pinasara

Matapos maaresto ang mahigit 100 katao kabilang na ang celebrity host na si KC Montero dahil sa paglabag sa social distancing, pina-shutdown ng Makati City government ang Skye Bar sa Barangay Bel-Air.

Ipinaskil ng Business Permits and Licensing Office ang closure order sa pintuan ng bar.

Ayon sa city government, pinasara ang bar dahil sa paglabag sa Republic Act 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at sa Revised Makati Revenue Code City Ordinance No. 2004-A-025.

Magugunitang noong Hunyo 28 nang salakayin ng Makati Police Investigation Unit ang Skye Bar sa 18th floor ng M1 Tower sa Salcedo Village matapos nilang makatanggap ng tip na lumalabag ang bar at mga kostumer sa social distancing.

Depensa ni KC, hindi niya alam na hindi pa pinapayagang mag-operate ang mga bar at naroon lang sila ng kanyang misis para kumain.

Sinampahan ng Makati City Police noong Lunes ng kaso si Montero, misis niya at 119 iba pa dahil sa paglabag sa Republic Act 11332 at Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority.

Kasalukuyan silang nakadetine sa Guadalupe Nuevo Gym.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?