701

Apr 8, 2020 @ 10:36
By

Sinugod ng martilyo, itak! Ilang opisyal sa San Luis, Antipolo suko na sa pagtulong

“Dalawa po sa amin ay inatake na, ang isa ay muntik ng (sic) mapukpok ng martilyo, may pinaghugutan na ng itak at mga mura na kahit hayop ay di kayang kainin sukdulang pati buhay namin at ng aming pamilya ay pagbantaan.”

Sa isang manifesto, nilahad ng mga sitio chairperson ng Barangay San Luis sa Antipolo City ang kanilang saloobin at negatibong karanasan nang mamigay sila sa mga residente ng social amelioration card mula sa Department of Social Welfare and Development.

Pinasan anila nila ang galit ng mga mamamayan gayong may hindi nakatanggap ng form para sa ayuda ng gobyerno ngayong may COVID-19 lockdown, kaiba sa sinabi ni House Speaker Alan Cayetano na “lahat ay bibigyan at walang lalaktawan.”

Kaya naman humingi sila ng paumanhin sa kanilang kapitan na si Crisol Cate Sr. at alkalde na si Andrea Ynares dahil sumusuko na sila sa paggampan sa nasabing tungkulin.

Nanawagan din sila na makarating kay Pangulo Rodrigo Duterte at sa DSWD ang insidenteng sinapit nila.

“Nais po naming maglingkod sa ating bayan, pero ayaw pa po naming maulila ang aming mga anak o mapahamak/mabaldado dahil sa pagtugon sa atas ng malasakit sa kapwa,” lahad ng mga opisyal.

“Dahil po dito, kami po ay sumusuko na sa pamimigay ng SAC forms at di na pumapayag na maging instrumento sa magulong palakad na ito,” sambit pa nila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?