48

Feb 2, 2020 @ 15:41
By

Sinira ng Taal Volcano eruption, kuwentahin na – Angara

Ngayong naibaba na ang alert level ng Bulkang Taal sa tatlo mula sa dating apat, hinikayat ni Senador Sonny Angara ang lahat ng concerned government agency na magsagawa agad ng assessment o pagsusuri sa pinsalang dulot ng pagsabog ng bulkan dalawang linggo na ang nakakaraan.

Sabi ni Angara, chairman ng Senate Finance Committee, may sapat na pondo ang gobyerno na maaring gamitin ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa rehablitasyon ng mga naapektuhan sa Cavite, Batangas at Laguna sa ilalim ng National Disaster and Risk Reduction Management Fund (NDRRMF) o mas kilala sa tawag na calamity fund.

Base sa 2020 General Appropriations Act, mahigit sa P16 bilyon ang inilaan sa NDRRMF na puwedeng gamitin para sa relief, recovery, reconstruction at iba pang serbisyo na may kinalaman sa kalamidad.

Bukod sa NDRRMF, ani Angara, may P6.8 bilyon ding quick response fund (QRF) na nakapaloob sa pondo ng Department of Agriculture, Department of Education, Department of Public Works and Highways, Department of Social Welfare and Development, Department of National Defense-Office of Civil Defense, at National Electrification Administration.

Paliwanag pa nito, ang proseso ng paglabas ng dalawang pondo ay magkaiba.

“With the QRF, the agencies such as the DPWH and DSWD will be able to download the funds to the affected communities immediately because as the name implies, the utilization of the funds must be quick,” ani Angara.

“With the calamity fund, the specific programs and projects will have to undergo assessment on the ground and certification by the local government units before they are submitted to the President for his approval. So the process is a little longer than the QRF,” dagdag na paliwanag pa nito.

Bukod sa pinagsamang P22.8 bilyong pondo mula sa NDRRMF at QRF, may P7 bilyon ding naiwan mula sa P20 bilyon calamity fund noong 2019 na maaring magamit sa taong ito.

Una rito, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na agad na ipasa ang hirit niyang P30 bilyong supplemental budget para mapunan ang pangangailangan ng mga nappektuhang mga komunidad sa nasabing mga lalawigan.

Sabi ni Angara, ang supplemental budget ay magsisilbing buffer fund para sa kalamidad para sa taong ito.

“So I think gusto lang maghanda ng ating Pangulo at kami naman sa Kongreso, handa rin kami na tugunan at bigyan pansin itong panawagan ng ating Pangulo,” ayon pa sa senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?