225

Feb 20, 2020 @ 15:54
By

Sindikato sa likod ng ‘pastillas’ modus, pinangalanan ng whistleblower

Lumantad sa Senado ang whistleblower kung saan binunyag nito ang sindikato sa Bureau of Immigration (BI) na nasa likod ng multi-billion “pastillas” money-making scheme.

Sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes, inihayag ni Allison Aguas Chong, immigration officer sa BI Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na simula nang tanggalin ng Department of Justice (DOJ) ang overtime pay ng immigration officer, doon na nagsimulang gumawa ng iligal ang ilang kawani ng BI.

At para mapunan ang bawas sa kanilang suweldo, ilang immigration officer ang nag-alok ng mga “VIP service” para sa mga immigrant partikular ang mga casino high-roller.

Ang VIP service ay kinasasangkutan ng mga immigration officer na tumatanggap ng P2,000 kada high-roller kapalit ng mabilisang pagpapalusot sa kanila.

Nang makitang may pera sa operasyon, nagdesisyon ang mga hepe ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU) na sina Bien Guevrra, Glen Comia at Den Binsil, na dating tauhan ni Ports Operation Division chief Red Marinas, na i-takeover ang operasyon.

“They took control of the collections from entering and departing passengers then disbursed commission at the end of every week,” lahad ni Chong.

Noong 2017, nagsimulang dumagsa ang mga Chinese national sa Pilipinas. Sabi ni Chong, tinatayang 2,000 Chinese ang dumaraing sa airport terminal kada araw.

Kuwento pa ni Chong, sa pamamagitan ng group chat sa Viber, ang naturang mga immigration officer ay tumatanggap ng listahan ng mga Chinese national na papasok sa bansa na hindi na dadaan sa nakagawiang immigration process.

“These Chinese nationals were no longer required to under screening; they will simply let inside the Philippines without question or investigation,” sambit pa nito.

Sabi pa ni Chong, binura ang unang Viber Group Chat nang mag-imbestiga ang National Bureau of Investigation kaugnay ng iligal na aktibidad ng mga immigration officer.

Para maiwasang mabuking, nag-iba ng galaw ang operasyon ng grupo kung saan bawat Chinese ay sinasamahan na lang ng mga ito sa holding area ng TCEU.

Isang miyembro ng TCEU ang titingin kung ang pangalan ng isang Chinese ay nasa master’s list.

Kung nandoon, agad itong papayagang makapasok sa Pilipinas na hindi na dadaan sa screening o profiling.

Pinangalanan pa ni Chong ang nasa likod ng sindikato sa BI, kabilang dito sina Totoy Magbuhos, Deon Albao (alias “Nancy”), Paul Borja (alias “Lisa”), Anthony Lopez (alias “AL”) at Dennis Robles (alias “DR”).

Sabi pa ni Chong, kahit na wala na sa BI sina Guevarra, Comia at Binsol, napapatakbo pa umano nila ang kanilang operasyon sa Terminal 3.

Bawat immigration officer, ani Chong, ay tumatanggap ng P20,000 kada linggo para sa naka-assign sa Terminal 1 at P8,000 kada linggo naman para sa mga nakatalaga sa Terminal 3.

Ayon pa kay Chong, nagdesisyon siyang lumantad at tumestigo nang mapanood sa TV ang imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros sa isyu ng tumataas na bilang ng prostitusyon sa POGO.

“I was compelled to come forward and share what I know based on my personal knowledge as a frontline immigration officer,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?