23

By

Simpson ‘di pwedeng pumikit kontra Jones

Dumaan sa knockout match ang Alaska para sa last slot sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals.

Naungusan ng Aces ang Meralco sa overtime 108-103 Biyernes ng gabi para selyuhan ang eighth spot. Ngayon ay mas matibay na pader ang babanggain nina Diamon Simpson, Vic Manuel, Chris Banchero at JV Casio sa playoffs – si Terrence Jones at ang TNT.

Dalawang beses pang kailangang manalo ng Aces laban sa No. 1 KaTropa. Pinakamalaking problema ni coach Alex Compton ang palaisipan kung paano pipigilan si Jones.

“So what do you guys think?” bungad ni Compton sa post-game news conference sa MOA Arena. “If we didn’t have a good matchup for (Meralco import) Delroy James, do we have a good matchup for Terrence Jones?”

Sa 11 laro, walang nakapigil sa dating Houston Rocket. Si Compton, walang maisip na puwedeng itapat kay Jones, naga-average ng 34 points mula 48 percent shooting, 16.09 rebounds, 7.73 assists, 3.09 blocks at 1.45 steals sa elims.

Thrown out si Jones kontra Alaska sa nag-iisang match sa elims noong May 25, pero nakapagsumite siya ng 43 points, 22 rebounds at 5 assists sa 99-85 win ng TNT. Si Chris Daniels pa ang import ng Alaska noon.

Hindi puwedeng pumikit si Simpson, lalo’t nanggagaling sa labas ang atake ni Jones bago aangat ng 3 o sasalaksak sa loob. Kung hindi isusubo sa basket, ipapasa sa mga naghihintay na tulad nina Jayson Castro, RR Pogoy, Don Trollano at Anthony Semerad. May Troy Rosario pa ang TNT.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?