161

By

Signature shoe ni Terrence Romeo, patok sa kababaihan

Tila naging matagumpay ang paglulunsad ng unang sapatos ng ngayo’y San Miguel Beermen star na si Terrence Romeo.

Hindi pa rin matawaran ang angking husay ni ‘The Bro’ pagdating sa basketball, kahit na sa star-studded SMB ay nagpapasiklab ito, 15.71 points, tig-2.86 rebounds at assists sa elims ng Philippine Cup.

At dahil sa impresibo pa rin nitong laro, hindi nag-atubili ang shoe brand na Peak na muling pagkalooban ng shoe deal ang 27-anyos na manlalaro.

Sa kanyang Twitter account, ipinasilip ni Romeo ang bagong disenyo ng tinaguriang ‘TR7 2.0’. Kaparehas ng nauna niyang sapatos ang kulay nitong pula, ngunit kitang mas higit itong magaan. Kita rin ang logo ng sapatos ng dating FEU guard patunay na angat ang kanyang pangalan sa PBA.

“TR7 2.0 Prototype version from @peaksporthq @peaksportsph . Hindi pa to final pero sana tangkilikin nyo rin tulad ng pag tangkilik nyo sa TR7 1.0 Maraming Salamat sa lahat ng mga sumusuporta and sana abangan ung launching soon! God bless,” saad sa tweet ng manlalaro na dati na ring naglaro para sa GlobalPort at TNT.

Kahit prototype lang ay marami na ang nagtatanong ukol sa nasabing sapatos, karamihan ay pinupuri ang disenyo nito at hiling na magkaroon ng women version para sa mga babaeng tagahanga ng manlalaro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?