53
bam-aquino
By

Sen. Bam: Hindi sagot ang Martial Law, diktadurya sa problema ng bayan

“Hindi naging sagot ang Martial Law noon, at lalong hindi siya sagot ngayon.”

Pahayag ito ni Sen. Bam Aquino sa paggunita ng deklarasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Martial Law, 46 na taon nang nakararaan.

Ayon kay Aquino, hindi naresolba ng Martial Law noon ang kahirapan at sari-saring problema ng bansa tulad ng mataas na presyo ng pagkain gaya ng bigas, talamak na pagpatay sa lokal na opisyal, pari at maging kabataan.

“Malubha pa rin ang sakit ng taumbayan, at lalong tumitindi ang kahirapan,” dagdag nito.

Sa siyam na taon sa ilalim ng Martial Law, sinabi ni Sen. Bam na may naitalang 3,320 biktima ng extrajudicial killings, 34,000 kaso ng torture, 70,000 kaso ng illegal detention, 75,730 kaso ng human rights violations at utang na aabot sa P395 bilyon, na katumbas ng mahigit P3 trilyon sa kasalukuyang panahon.

“Hanggang ngayon, binabayaran pa rin natin ang utang ng Marcos Regime, habang pumipila ang mga Pilipino para sa bigas na may bukbok at nalulunod po sa gastos ang napakaraming mahihirap na pamilya,” wika ni Sen. Bam.

“Kawalan ng epektibong plano, kawalan ng political will, at kawalan ng puso ng mga lingkod bayan at puso para sa mahihirap ang mga sanhi ng krisis natin ngayon,” giit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?