30

By

Sekyu hinoldap ang binabantayang bangko

Bagsak sa kalaboso ang isang security guard matapos na tangkain nitong holdapin ang kanyang binabantayang bangko sa Sta. Rosa City, Laguna, Lunes ng umaga.

Ayon sa report ng Sta. Rosa City police, kakabukas pa lamang ng Prestige Bank na nasa Barangay Tagapo, Santa Rosa City dakong alas-9 ng umaga nang magdeklara ng holdap ang guwardiya na si Romeo Dimaano Jr., 34-anyos.

Agad nitong inutusan ang teller na ilagay ang mga pera sa inilabas nitong bag.

Unang inakala ng mga teller na nagbibiro lamang ang sekyu subalit nang itutok nito ang kanyang service fire arm ay natuklasan nilang seryoso ito.

Nalansi naman ito ng isa sa mga teller at sinabihan na lumapit sa vault dahilan para makalabas ang isa pang teller at makahingi ng tulong.

Nang dumating ang mga pulis, nakadapa na sa sahig ang suspek at nadisarmahan na rin ito ng mga empleyado ng banko.

Ayon kay Lt. Col. Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa police, sinabi umano ni Dimaano sa interogasyon na nagawa niya ang krimen dahil sa kagustuhan nitong magkapera upang maipagpagawa ng bahay ang kanyang pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?