1,052

By

Secretary ng CPP-NPA timbog sa raid

Arestado ang secretary ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) Metro Manila Regional Party Committee sa isinagawang pagsalakay ng kapulisan sa isang condominium sa Quezon City nitong Lunes ng madaling-araw.

Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court Branch 89 Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Unlawful Manufacture, Sales, Aqcquisition, Disposition, Importation o Possession of an Explosive or Incendiary Device, inaresto si Esterlita Suaybaguio, may mga alyas na Nali/Loida/Ester/Imang/Iyay.

Pinasok ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang safehouse ng CPP-NPA sa Unit 9H Esacalades Condominium Tower 5 na matatagpuan sa 20th Avenue, Quezon City dakong ala-1:50 ng madaling-araw.

Nakuha kay Suaybaguio ang isang 9 mm pistol, magazine na may pitong bala, isang hand grenade at mga subersibong dokumento ng kanilang samahan.

Bago nalipat sa Metro Manila, si Suaybaguio ay dating professor sa Tagum City, Davao del Norte kung saan siya ang secretary ng Southern Mindanao Regional Party Committee at Komisyon Mindanao.

Pinili siya ng CPP Central Committee upang manguna sa muling pagbuhay ng komunista sa National Capital Region.

Ayon pa sa ulat, ang suspek ay mayroong mga kinakaharap na kasong kriminal na kinabibilangan ng multiple murder, multiple frustrated murder at murder sa pagpatay kay Patrolman Ronald Napalan Jr., ng Regional Mobile Force Battalion Police Regional Office Caraga gayundin ang multiple attempted murder.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?