323

By

Science, ‘di opinyon! Talisay vice mayor sinopla ng Phivolcs

Agham ang sandigan ng mga nilalabas na ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa lagay ng Bulkang Taal at hindi opinyon, gaya ng sinabi ni Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan.

Umapela kasi ang bise alkalde kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan nang magbalik sa kani-kanilang tahanan ang kanyang mga kababayan sa kabila ng babala ng Phivolcs na posible pa ang hazardous Taal Volcano eruption.

Giniit din ni Natanauan na masyado raw pinalala ng ahensiya ang sitwasyon, at walang sinuman ang nakakaalam kung kailan sasabog ang bulkan, kahit pa magagaling na siyentista sa buong mundo.

Sa isang press briefing, sinabi ni Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas na naiintindihan nila ang nararamdamang stress ng opisyal, ngunit tumindig na sila ang unang magsasabi kung kailan ligtas na bumalik ang mga residente sa mga danger zone ng bulkan.

Tiyak din umano ang Phivolcs sa kanilang siyensiya, at nagsusumikap ang mga tauhan nito upang maibigay ang mga akmang impormasyon sa pag-aalburoto ng Taal.

“With all due respect to the Vice Mayor, we can understand that he is under so much stress. We would like to respect ‘yung feelings ni Vice Mayor. We understand their plight. We will be the first one to say if it’s safe to go back. We have them in mind all the time,” ani Bornas ngayong Martes, Enero 21, 2020.

“At the same time we are firm in our science. We are doing our best. We are working doubly hard so we can give them the best information,” hayag pa niya.

Bagaman humina ang tuluy-tuloy na pagbuga ng Bulkang Taal ng singaw, maging ng usok at abo, nakataas pa rin sa alert level 4 ang bulkan ngayong umaga, at inaasahan ang mapaminsalang pagsabog sa loob lang ng ilang oras o araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?