410
abante-tnt-vismin-sarah-geronimo
By

Sarah Geronimo, na-challenge sa pelikulang Miss Granny

Marami na ang nag-aabang sa pinakabagong handog na pelikula ng VIVA Films, ang family drama na Miss Granny na tinatampukan nina Sarah Geronimo, James Reid, at Xian Lim.

Sa direksyon ng certified hit maker na si Bb. Joyce Bernal, ang pelikula ay base sa worldwide South Korean blockbuster film na ipinalabas noong 2014.

Susundan ng pelikula ang mahiwagang buhay ng 70-anyos na pensiyonadang si Fely (Nova Villa), na manunumbalik sa edad na 20 bilang Audrey (gagampanan ni Sarah) matapos mapadpad at magpakuha ng litrato sa isang photo studio.

Mainitin ang ulo ni Fely na isang control freak. Hindi magiging maganda ang pagtira niya sa bahay ng anak dahil magdudulot ito ng sobrang stress sa kanyang manugang na magiging dahilan ng pagkaka-ospital nito.

Ngunit isa siyang mapagmahal na lola na todo-suporta sa pangarap ng apo niyang si Jeboy (James) na maging isang musikero.

Aminado si Sarah na na-challenge siya sa papel ng 20 anyos na si Fely dahil maging ang retro na ayos ng buhok at pananamit, inakma sa kabataan ng kanyang karakter.

Sinabi ni Sarah na challenging ang pelikulang ito sa kanya.

Esplika niya, “May tumutulong po sa akin na acting coach. Kasi, siyempre, ang nuances of a woman in her 70’s, medyo iba sa galaw ng 20’s. Siyempre, medyo matagal na iyong huling acting project ko, so challenging din for me.”

Huling napanood si Sarah sa pinilahang Finally Found Someone, ang reunion project nila ni John Lloyd Cruz noong nakaraang taon.

Ipinahayag din ng singer/actress na sobrang nag-enjoy sila sa paggawa ng Miss Granny.

Aniya, “Magaan lang po ang trabaho. Para po ito sa buong pamilya, para sa mga nangangarap. Itong istorya po ay dedicated to all the mothers out there. Pinapakita po nito iyong unconditional at fearless na pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. It’s also a dreamer’s story.”

Nabanggit pa ni Sarah na na-in love siya nang sobra sa papel na ginagampanan dito.

“In love na in love po ako sa fashion ng ‘Granny.’ Recently nga po bumili ako ng mga damit na ganyan ang style, ang ganda-ganda. Walang masyadong ipinapakita, pero sexy at disente, ang ganda-ganda talaga.”

Kuwento pa ng singer-actress na close to home rin daw ang Miss Granny para sa kanya dahil nga pareho silang music lover at maka-pamilya ni Audrey.

“Na-enjoy ko po talaga ang journey ko sa paggawa ng pelikula na ito, dahil family-oriented, tungkol sa mag-ina, mag-lola, singer pa. Parang kaunti na lang po, maniniwala na ako na ako si Miss Granny, eh,” natatawa pang pakli ni Sarah.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?