308

By

Sanggol na tinangay ng bagong yaya sa Taguig, naibalik na

Umiiyak pa nang magtungo sa Taguig City Police ang isang ginang matapos tangayin ang kanyang apat na buwang gulang na anak ng isang yaya, Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, ang suspek na si Kristine Joy Morrera Salik, nasa hustong gulang, taga-Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.

Base sa pahayag ng ina ng sanggol na si Princess Jean Victoriano, tinangay ng suspek ang kanyang anak na babae bandang ala-una ng hapon, Nobyembre 13.

Sinabi ng ginang sa pulisya, natutulog siya at kanyang mister na si Jerrick Victoriano sa kanilang bahay sa Barangay Bambang dahil sa kapwa panggabi ang kanilang trabaho nang salisihan sila ng suspek.

Nang magtungo sila sa barangay hall, dito nakita sa CCTV si Salik na karga ang sanggol sa isang eskinita palayo sa kanilang bahay.

May pitong araw pa lang umanong naninilbihan si Salik bilang yaya ng kanyang anak.

Samantala, sa latest update, naibalik na sa mga magulang ang sanggol dakong alas-tres ng hapon nitong Huwebes.

Ayon kay Col. Santos, sa tulong ng programang “Wanted sa Radyo” ni Raffy Tulfo ay nakapiling na ng mag-asawa ang kanilang baby na si Taylor Hayley.

Dahil sa takot umano ng suspek ay humingi siya ng tulong kay Tulfo para maibalik niya ang sanggol sa mga magulang.

Tinanggi ni Salik na dinukot niya ang alaga. Sinama niya lang daw ito dahil magpapadala siya ng pera sa kanyang mga anak na nasa probinsya.

“Hindi ko po siya kinidnap, isinama ko po siya dahil natutulog po sila ate at kuya at walang magbabantay sa kanya. Natakot po kasi ako dahil nag-viral na po sa social media na kinidnap ko daw po itong alaga ko,” pahayag ni Salik sa harap mismo ni Tulfo at mga magulang ng sanggol.

Giit pa ng suspek, nauna na siyang binigyan ng permiso ng lolo (hindi na binanggit ang pangalan) ng sanggol na maaari niya itong isama kapag pupunta siya sa mall, bagay na itinanggi naman ng lolo ng bata.

Dagdag pa nito, natakot siyang bumalik sa bahay ng amo dahil sa mga natanggap na banta matapos kumalat ang kaniyang larawan sa social media.

Humingi ng tawad si Salik sa kanyang mga amo subalit hindi ito pinatawad at itinuloy ang pagsampa ng kasong kidnapping laban sa kanya.

Depensa naman ni Ginang Princess: “Madaling magpatawad pero ‘yung aksiyon niya, paano sa mga susunod na papasukan niya. Gusto ko siyang maturuan ng leksyon.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?